Andiyan ka pala
Kamusta ka na?
Tagal na nating hindi nagkita
Ano? Matagal ka na nandito? Pero hindi ko lang pinakikiramdaman ang prisensya mo?
Hindi kita binabaliwala
Hindi lang kita napansin,
Bakit parang kasalanan ko pa?
Naaalala ko pa nga yung panahon na ikaw yung laging bukang bibig ko
Naalala ko pa nga ikaw ang kasama ko sa lahat ng aking mga binubuo
Patintero pa nga yung lagi nating nilalaro
Naaalala ko pa nga na tayo yung magkausap, mula umaga hanggang gabi
Hindi ka na nagsawa sa lahat ng aking mga sinabi
Kahit ito ay wala ng kabuluhan, nakinig ka pa ren sa akin
Ikaw pa ren yung laging andiyan
Ikaw, naaalala mo pa ba yung lagi nating kinakanta?
Hindi naman ako nakalimot diba?
Nung araw kay tamis ng ating buhay
Puno ng saya at ng kulay
D mauulit muli
Ang oras kapag hinayaang lumipas
Madarama mo hanggang bukas
Di mababawi muli
Oo nga
Hindi na nga kita nabibigyan ng halaga
Oo nga
Hinayaan ko lumipas ang panahon
Hinayaan ko na mawala ang pagkakataon
Oo nga..
Kaya’t patawad
Patawarin mo ako kung ako ay nakalimot
Patawarin mo ako kung hindi ko na naipagmamalaki sa iba ang iyong halaga
Patawarin mo ako
K ung naiparamdam ko sayo na ika’y tinalikuran ko
Kung naiparamdam ko na wala ka ng halaga sa mundo
Patawarin mo ako
Kung nawala na ang aking respeto
Na hindi kita nabigyan ng halaga na nararapat para sayo
Patawad
Patawad wika ko
Patawad
kung hindi ko napahalagahan ang mga pinaglaban ng aking mga ninuno
Ang mga luha na tumagas
Ang mga dugong nabawas
upang aking bansa, ang ginagamit kong wika ay maligtas
Patawad wika ko
Kung hindi na ikaw ang naririnig sa aking mga labi
Siguro nagtatanong ka kung naririnig ko pa ba ang boses mo?
Nakikita ko pa ba ang halaga mo?
Nadarama ko pa ba ang prisensya mo?
Nadarama pa ba kita, Wika ko?
Oo, ako nga
Ako nga ang may sala
Kung bibigyan mo ako ng bagong pagkakataon
Bubuo tayo ng sarili nating awitin
Ganito
Paa, Tuhod, Balikat, Ulo
Mula duon hanggang dito
Alam ko na kung ano ang totoo
Paa, Tuhod, Balikat, Ulo
Nananalaytay ang dugong Filipino
Ang pagkatao ko ngayon ay buong buo
Paa, Tuhod, Balikat, Ulo
Patuloy ko ipagmamalaki ang wika ko
ang wika ng buong Filipino
Hindi dito nagtatapos ang mga sasabihin ko
Makikita nila muli ang iyong diwa at tunay mong halaga
Kaya’t patuloy ako magsasaliksik
Tama na ang panahon na walang akong kaimik imik
Hahanapin ko ang wika ko
Dahil ako ay isang Filipino
Noon mas nangibabaw ang ang dugong Hapon, Amerikano, at Tsino kaysa sa dugong nananalaytay sa buong pagkatao
Ang dugong Filipino
Ngayon, hindi ko na hahayaan
Tatayo na ako at ipaglalaban
Hahanapin ko
Tulad sa mga bigkas ni Pat
Hahanapin ko
ng pabalik balik
ng paulit ulit
ng paulit ulit
at ng pabalik balik
Hindi na ako muling magsasawa
Ipapakita ko, hindi lang sa aking kapwa
kung hindi sa buong mundo
Na ako ay Filipino
Totoo at buong buo
Wika, Nadadama pa ba?
Oo, Andito pa siya.


